ni Bianca Camille C. Apostol
Lagi kong naaalala ang mukha nya, bago ako matulog at pagka-gising kahit sa panaginip ko nasasalit s’ya. Ang mahina n’yang boses habang tinatawag ako. Naalala ko pa noong tinutulungan ko s’yang lumakad. Minsan kapag gusto nyang mamasyal, ako ang lagi nyang inaaya. Nami-miss ko na ang mga kwento nya. Nami-miss ko na si Lola Aida.
16 years old ako noong nakilala ko sya. Kinailangan ko kasing mag community service ng 50 hours para makaligtas ako sa CWTS. Isinama ako ng tita ko sa isang orphanage for grandmothers. Doon ko ibubuhos ang 50 hours ko. Excited ako dahil first time ko sa ganitong mga bagay. First time ko sa ganitong environment. Naaawa ako sa kanila. Naiisip ko kung nasaan nga ba ang kanilang pamilya? Bakit sila iniwan?
Iba iba ang ugali ng bawat lola sa orphanage. May pala-kwento. May tahimik lang at may masungit. Minsan, may nag- uulyanin na rin. Pero may isang lola roon na kakaiba sa lahat. Tahimik lang sya. Walang imik at laging mag- isa. May sakit si Lola Aida ng asthma. Mahina na ang katawan n’ya. Ang sabi ng marami, masungit daw at mahirap makasundo si Lola Aida. Kaya naman isang araw namasyal ako sa garden at nakita s‘yang nakaupo, agad akong tumalikod. Ngunit hindi pa ako nakakahakbang ay tinawag na nya ako.
“Anne.”
Lumingon ako sa kanya.
“Hindi ba ikaw si Anne?”
Tumango ako “ako nga po, Lola.”
Ngumiti sya sa akin. “Halika, samahan mo naman akong maupo.”
Tumabi ako sa kanya. Pakiramdam ko, matagal ko na syang kakilala. Parang at ease kasi ang pakiramdam ko habang katabi sya.
“Alam mo, kamukha kita noong bata pa ako.”
Napangiti ako. “Talaga po?”
Tumango lang s’ya at ikinuwento na ang tungkol sa kabataan n’ya. Simula noon, naging close na kami. Lagi ko syang sinasamahang mag lakad-lakad o kaya ay umupo sa may hardin. Lagi rin nyang kinukwento ang mga nangyari noong kabataan nya may kasama pa nga iyong pangangaral. Nalaman kong bata pa lang sya ng ma in-love at mabuntis. Kinailangan nyang ipamigay ang anak dahil iniwan sya ng boyfriend nya.
“Lola, ok lang po ba kayo?”
Ngumiti ng malungkot si Lola Aida. “Birthday kasi ngayon ng anak ko. Alam mo, nagkita kami noong kasing edad mo sya, galit na galit s’ya sa akin.”
Niyakap ko si Lola Aida. “Ok lang po yan, Lola Aida.”
“ Tama namang magalit s’ya dahil sa pag abandona ko sa kanya. Gusto ko nang mapatawad n’ya ako. Matagal na kong nag- sisi sa nagawa ko noon..”
Napansin kong hinihingal s’ya at tila hindi makahinga. “Lola tama na po. Ina- asthma na po kayo o…”
“ Sana mapatawad n’ya ko at matawag na nanay… yun lang masaya na ko.”
“ Mangyayari po ‘yon, Lola Aida.”
“ Kapag mangyari iyon, masaya akong aalis dito sa mundo.”
“Lola! Hindi po. ‘Wag kayong magsalita ng ganyan.”
Ngumiti lang s’ya sa akin. “ Matanda na ako Anne. Tanggap ko na kung anong mangyayari sa buhay ko.”
Niyakap ko na lang sya.
Bago ako umalis, tiningnan ko muna s’ya sa kwarto n’ya. Natutulog sya at binabantayan ng isang nurse. Napabuntong hininga na lang ako. Birthday din kasi ni Mama. Kaya kahit gusto kong bantayan sya, hindi pwede.
Bawat araw, lumalala ang kondisyon ni Lola Aida. Sa ngayon ay naka-oxygen tank na s’ya para sa kanyang paghinga. Lagi-lagi ko s’yang dinadalan ng mga bulaklak sa kwarto n’ya. Binabantayan kapag natutulog. Nag- aalala na talaga ako sa kalagayan n’ya. Unti-unti nang bumibigay ang katawan n’ya. Natatakot ako. Kaya napagdesisyunan kong ibigay ang huli n’yang kahilingan. Ang makita ang anak n’ya at madinig na pinapatawad na s’ya nito. Nagtanong- tanong ako. Nag -research sa Internet. Ilang araw ko ring pinag puyatan ang paghahanap ngunit nabigo ako. Inilipat na si Lola Aida sa isang ospital para matingnan ng mabuti ang kalagayan nya. Hindi pa rin ako tumitigil sa paghahanap. Walang nakakaalam kung nasaan na ang anak ni Lola Aida. May nagsasabing nasa ibang bansa na ito. May nagsasabing nasa probinsya. Kasabay ng unti-unting paghina ng katawan ni Lola Aida ay ang unti-unti ring pagkawala ng pag-asa kong makikita ko pa ang anak n’ya.
Ng araw na iyon, ipinasya kong bantayan na lang si Lola sa ospital. Mahinang mahina na talaga sya.
“ Lola…lumaban po kayo. Hinahanap ko na po ang anak n’yo. Di ba gusto nyo s’yang makita. Kahit lumuhod ako sa kanya, gagawin ko basta…lumaban ka lang po..”
Hinawakan ko ang kamay nya. Maputlang- maputla na s’ya at ang lamig lamig.
Kinagabihan, sinundo ako nina Mama sa opspital. Nagulat ako. Nasanay na kasi akong wala sila. Busy naman sila lagi sa trabaho. Kaya kahit may magulang ako, para na ring wala. Nagising si Lola Aida ng palabas na ako ng kwarto.
“ Lola…ok lang po ba kayo?”
Ngumiti sya. Halatang nahihirapan na s’ya ngunit pinilit pa ring ngumiti.
Biglang bumukas ang pinto. Napatingin ako. Mama ko pala ang pumasok. Marahil nainip sa paghihintay sa akin.
“ Halika na, Annalyn.”
Napatingin ako kay Lola Aida. “ Babalik na lang po ako bukas..”
Bigla akong napalingon ng madinig ko ang pagbasak ng bag ni Mama sabay hablot sa braso ko.
“ Papano mo sya nakilala?!”, ang tanong nya sa akin
Naguluhan ako. Tiningnan ko si Mama na galit na galit. Sinulyapan ko si Lola Aida. Nagpipilit s’yang bumangon. Halata ang gulat sa kanyang mukha. Ngunit mababakas ang saya.
“A—nie..”
Hinablot ko ang braso ko sa pagkakahawak ni Mama at nilapitan ko si lola.
“ Lola…baka po makasama sa inyo ‘yan..”
Ngunit muli akong hinitak ni Mama.
“ Wala kang karapatang guluhin ang buhay namin ng anak ko. Wala!”
“ A—nie… patawad..”
Naguguluhan ako.
“ Matagal mo ng tinapos ang anumang kaugnayan meron tayo. Noon pang ipamigay mo akong parang aso!”
Natigalgal ako… hindi kaya’t…
Nahihirapan ng huminga si Lola Aida… umiiiyak na rin siya. Hinitak ako ni Mama palabas ng kwarto. Narinig ko pa ang pagtawag n’ya sa pangalan namin.
Pinagbawalan ako ni Mama na dumalaw sa ospital o pumunta sa orphanage. Bantay- sarado ako. Hindi na rin ako nagmatigas at sumuway. Hindi pa rin ako makapaniwala na si Mama ang anak ni Lola Aida. Ang anak na lagi nyang ikinukwento sa akin. S’ya pala iyon. Ako…totoo palang maglola kami..
Lumipas ang mga linggo. Nagkalakas din ako ng loob na kausapin si Mama. Nagtalo kami. Nagkasigawan ngunit ipinaglaban ko ang alam kong tama. At sa huli napapayag ko s’yang dalawin namin si Lola Aida ngunit wala na sya. Namatay s’yang hindi man lang nadidinig ang pagpapatawad na matagal na nyang hinihingi..
At ngayon… kahit matagal na panahon na ang lumipas, hindi pa rin mawala ang guilt feeling na nararamdaman ko. Kung sana hindi ko sinayang ang panahon… kung sana hindi ako nanghusga agad. Kung sana ipinaglaban ko sya… pero wala na.. wala na.
Ang may- akda ay kasalukuyang nag- aaral sa Bulacan State University sa kursing BA Mass Communication major in Broadcasting. Naniniwala s’yang naiisingit pa rin ang pagsusulat kahit busy ang isang tao.







