Litpower
Kalinangan ng Literatura at Paglikha Incorporated

creative non-fiction

NANG MAKITA KO ANG REYALIDAD SA MGA KUWENTO NG IDOL KONG MANUNULAT

ni

Edel Larin

 

Sabi ni Jesus Arceo ang manunulat daw ay isinisilang at hindi nagagawa. Sa modern term ngayon ang tawag don ng mga bata destiny. Ipinanganak ka na maging ganito at maging ganire (bawal humirit at hindi puwedeng humindi).
Kung totoo man itong paniniwala ni Arceo, 100 % sure na hindi ako magiging manunulat. Mula sa mga naaalala kong interes at gustong gawin nung araw wala akong naaalalang inambisyon kong maging manunulat.

 

Yung Ako Muna

Produkto ako ng public school simula elementary hanggang high school. Part ng adventure ko sa pag-aaral ang maka-survive sa pang-aalaska ng mga kaklase kong sira-ulo. Nagsimula iyon nung grade four, five at six, ako ang may pinakamaraming koleksyon ng bansag sa aming magkakaklase. Naaalala ko pa yung ilan. Una tawag nila sakin kulog, lagi kasing may lamang plema yung lalamunan ko (na pagka idinura ko ay kulay berde na manilaw-nilaw). Hirap na hirap akong pigilan sa klase yung pag-ubo, na para ngang kulog na mahina kapag pinakinggang mabuti, ang kaso sa kakapigil-kakapigil pagka sumambulat nadodoble pa ang lakas kaya napapansin lahat ng mga kaklase ko. Pagkatapos na pagkatapos ng klase sigawan na ang mga hinayupak, si Kulog nagpasabog na naman!

Yung isa pang harot na natatandaan ko na ikinakabit na pilit sa akin ng mga kaklase ko, kuba. Hukot kasi ako nung araw. May mga tumatawag pa nga sakin ng Lolo Kuba. Tapos yung isa pang harot nila sakin na mahirap ipagkaila, manok. Mukha raw kasi akong may siko sa leeg sa laki ng adams apple ko. Minsan pa nga nagkaklase kami hindi ko napansin yung dalawa kong kaklaseng tarantado na tingin nang tingin pala sa leeg ko habang lumululon ako ng laway at tuwang-tuwa ang mga hinayupak nung nakitang parang may bolang gumugulong sa leeg ko. Minura ko nang mahinang putang ina lang naman yung dalawang ugok, kaya lang ang malas narinig pa rin nung titser namin sa English. Kaya tinawag ako sa harapan at pinagpaliwanag sa harap ng klase kung bakit ako nagmumura. Sinabi ko yung ginawang pang-iinsulto sa akin nung dalawa kong magaling na kaklase (na walang ibang alam harutin kundi ako). Okey na sana kasi tinawag din sa harapan yung dalawa kong kaklaseng ugok at pinagalitan pa. Ang sagot nung isa Mam kasi nakakatuwa pong tingnan yung adams apple nya ang laki-laki (sa puntong iyon may mga lihim nang tumatawa sa mga kaklase ko, nagtatakip lang ng panyo para hindi halata). Hihirit pa sana yung titser namin para pangaralan yung dalawa kong bwisit na kaklase ang kaso sumabit talaga sya, nung mapatingin sa leeg ko at mapatunayang malaki nga, hindi na napigilan yung kanina pa palang tawa na gustong-gusto nang makahulagpos sa bibig nya. At napuno na nang tawanan ang loob ng classroom.

Lumitaw ang totoo, isang pekeng pangangalaga sa pagkatao ng mga estudyante nya ang ipinapakita sa akin ng titser kong Inglisera. Pauwi ng bahay tatlo na ang minumura ng loob ko, highlight sa akin ang pangalang Mrs Mariano. Siya ang kauna-unahan kong titser na nakuhang isumpa dahil sa sama ng loob.

Hindi ko na maalala yung ibang mga harot sa akin, pero ang hindi ko talaga makalimutan yung kultura ng klase namin dati na pagka ibang kaklase namin ang napagtripang harutin, mga twenty to thirty minutes lang ang tinatagal pero pagka ako naman ang napagdiskitahan bukod sa full force ang buong klase inaabot pa ng halos buong maghapon bago nila ako tigilan may mga pagkakataon pa ngang pauwi na lang kami sa hapon hinihiritan pa ko ng mga buwiset. Nag-iisip tuloy ako dati kung ano ba ang masamang ipinakisama ko sa kanila para tortyurin ako ng ganoon. Sayang tuloy, gusto ko pa naman sanang manligaw noong elementary pa lang hindi ko tuloy nagawa.

Paglipat ko ng high school, akala ko makaka-move on na pero hindi pa rin nangyari. Iba ang labanan sa klase namin, ang harutan mas madugo, pisikal at saka kailangan laging may nasasaktan. Sandamakmak kasi ang vacant ng mga estudyante sa Marano Ponce H.S. kaya ang ginagawa namin palagi tumatambay muna kami dun sa isang lugar na malapit sa kwarto namin. Nakaisip yung iba ng kagaguhan na puwedeng gawin, akalain mong magpukulan ba naman ng bato sa ulo. Okey sana nung una, kaso lumalaon parang iisa na lang ang nagiging puntirya para batuhin, ako. Pag tinamaan ka sa ulo ng maliit na bato, iba-iba ang pakiramdam, may feeling ako kung minsan na parang makati lang na kaskasin mo lang nang kaunti ng daliri nawawala na, pero may mga pukol sakin na parang ang pakiramdam ko pumutok yung ulo ko sa sobrang sakit. Hindi ako makapagmura sa mga abnormal kasi barka-barkada baka pagka minura ko baka ako maduwit sa bandang huli. Bukod pa ro’n ang hirap din talagang mahuli kung sino ang bumabato sakin. Ang naging solusyon ko nagsolo-flight na lang ako sa pagtambay sa paghihintay ng klase.

May pangalawang pangalan ng titser na maidadagdag sa unang titser na isinumpa ko nung elementary. Kasi ba naman ganito ang kuwento may exam kami sa science, yung katabi kong babae na si Clarissa, wala yatang maisagot na kahit ano, kaya panay ang tingin sa papel ko. Ako naman, pagwapo effect pinagbibigyan ko lang. Ang kaso kanina pa pala kami tinitingnan ni Mrs. Morales. Yari. Nung makalapit sa amin binungangaan si Clarissa pero sa akin ang patama. Hoy! ikaw pag hindi ka tumigil sa kakakopya rito mazezero ka sa exam! Sabay konyat nang malakas-lakas sa ulo ko. Insulto to the highest level talaga ang inabot ko ro’n. Pag-uwi ng bahay kung may deposito ng masamang sumpa at putang-ina si Satanas sa impyerno malamang naubos kong lahat yon kay Mrs. Morales.

Pakiramdam ko non pakapal nang pakapal ang dapat bayaran sakin ng mga taong yumayari sa akin sa iskuwelahan. Nito ko na lang maiintindihan ang silbi ng mga karanasang iyon nung maging titser na rin ako.

 

Ang Unang Encounter Ko sa Kanyang Maikling Kuwento

Third year na ko no’n sa high school ng first time kong mabasa ang kuwento nya. Ang bilis ng reaksyon ng utak at puso ko sa mga sinasabi nya sa kuwento. Kada salita at paliwanag kahit hindi ko pa masyadong intindido parang gusto kong sang-ayunan. Sabunutan yang Mrs. Moral Character na yan. Tadyakan ng tigi-tig-isa si Mrs. Gles-ing, Mr. Mathematician, Miss Spermatozoa at Mr. Discipline. Pulbusin ang mga hayop sa iskuwelahan. Pero ako, may iba pa akong sintemyento, hindi lang mga titser ang buwisit sa buhay ko, pati yung mga kaklase kong asal hayop ang ugali pag dating sa mga kaklase.

Pero kahit na may iba akong gustong pagbabanatan nung mga araw na yon okey na okey pa rin sakin yung pagkakabasa ko nung kuwento na yon. Sa pamamagitan no’n parang pakiramdam ko nakahanap ako ng kakampi. Kakamping kahit hindi personal na nakakausap ay mas sinsero naman ang pagmamalasakit at paglalahad sa kanyang mga kuwento. Natatandaan kong pahapyaw lang na tinalakay ng titser namin sa Filipino ang kuwento, ang suspetsa ko pakiramdam nung titser namin nabubukulan sya sa mga pinagsasasabi ng istorya. Pakiramdam ko nayayanig sya sa gustong sabihin ng kuwento.

Tyempo talaga ang pagkakataon naroroon ang isang kaluluwa na katulad ng sa akin na patuloy na pinagwiwindang-windang ng mga karanasang magaspang at malupit. Nauubusan na ng dugo at lakas at aksidenteng babagsak sa harapan ko ang isang texto ng buhay na magtuturo sa akin kung papano ko pag-iisipan ang paglaban. Nakipagniig ako sa katapatan ng mga salita sa kuwentong iyon. Kahit walang partikular na alam sa background ng manunulat sinubukan kong hulaan kung papaano sya nakapag-produce ng ganitong anyo ng istorya. Kalaunan, na-realize ko talaga sa sarili, na hindi rin naman pala ako ang pinakakawawang estudyante sa mundo.

 

Ang Impluwensya ng Tutubi sa mga Personal Kong Paniniwala

Iniisip ko kung ikuwento ko kaya sa kanya ngayon ang istorya kung papano napunta sa kamay ko ang nobela nyang “Tutubi, Tutubi Huwag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe”. Dinekwat lang ng utol ko yon sa library ng PUP tapos ibinenta sa akin ng isangdaan. Tinapos ko lang yatang basahin sa loob ng isang gabi hanggang madaling araw. Mas lalong hinangaan ang hagod ng bawat pangungusap. Masarap basahin, walang sagabal sa pag-intindi. Parang kabarkada ko lang ang nagkukuwento. Kung sa kanyang kuwento naroroon ang kakayahan nito sa akin na sagipin ako sa personal kong pagkahulog sa mga inaakala kong sagabal sa pagbi-build-up ko ng sarili, ang nobela naman nyang ito ay mas nagbukas sa akin ng sensibilidad sa mga taong kasangkot sa buhay kong ginagalawan. Biglang naisip ko yung mga pagkakataong masaya rin naman pala ako pagka sabay-sabay kaming kumakain ng fish ball ng mga kaklase ko at sama-sama naming pinipintasan at pinagtatawanan ang pag-iingles-ingles ng titser naming inglisera. Naisip kong bigla na hindi kaya masyado lang akong OA sa ginagawa nila sa akin kaya ako masyadong nasasaktan sa mga biro nila? Biglang sumaksak sa isip ko ang importansya ng pakikisama. Naka-relate ako sa mga bahagi ng nobelang nagkukuwento tungkol sa mga kalokohang masaya palang gawin kung mayroon kang mga kasama sa paggawa nito. Kung papano magnakaw ng pagkain sa ref ng landlady nyo, kung papano makipagsabayan ng tagayan sa mga kachokaran mo at manood ng bold show at sabay-sabay kayong malibugan sa iisang babae.

Unti-unti kong narealize sa sarili na ang itinatanim kong galit sa puso sa bawat atrasong ginagawa sakin ng kapwa ko ay nagdudulot sa akin na huwag maging masaya at magpasyang mag-isa na lang sa anumang lakad.
Hindi talaga politikal ang epekto sa akin ng nobela, kung mayroon man sandali lang ang pagkaramdam sa impact nito, isang dekada na ring wala si Marcos sa Pilipinas nung mabasa ko ang nobela, ka-OAang maliwanag kung matindi parin ang magiging galit ko sa kanya, tagal na kaya no’n.

 

Unang Personal Encounter Ko sa Kanya

Titser na ko nung mangyari yon, seminar sa San Pedro National High School sa Hagonoy. Inorganize iyon ng KAGUFIL (Kapisanan ng mga Guro sa Filipino). Nung mabalitaan kong siya ang magiging isa sa mga ispiker, nakipag heart to heart talk pa talaga ako kay Mrs. Fundales (Department Head namin) ipinaliwanag ko sa kanya na matagal ko ng pangarap na makita at marinig ng personal ang manunulat na iyon na kung puwede ay pasamahin na niya ako kahit magbayad ako ng personal kong pera sa seminar. Nakita naman nya kung gaano ako kaseryoso sa sinasabi ko kaya napapayag ko rin sya na idagdag ako sa ipapadala sa Hagonoy. Ayos yon! Libre pa lahat pati pamasahe.

Dalawang oras yata ang byahe mula Baliuag hanggang Hagonoy, alas otso ang simula, pero dahil sa sobrang pagkaatat ko isang oras ang inilaan kong allowance. Sabi ko sa sarili hinding-hindi ako malelate.

Nang sya na ang sumalang para magsalita, nakaramdam kaagad ako na iba talaga ang dating nito. Sinabihan yung tagapagpakilala na puwede ba putulin na yung pagbabasa ng credentials iyon daw kasi pampahaba lang ng program at ginagawa lang sa mga bata.

Fiction ang diniscuss nya, basics kung papano ka magkukuwento. Panalo talaga yon kahit sa teknikal na aspeto ng pagtalakay nya. Basta yung ending ng discussion nya inencourage nya kami na magpulong-pulong sa bahay-bahay ng mga kasamahan naming titser at ang bukod tanging agenda iworkshop iyong mga kuwento namin, kesa naman daw pag tsismisan namin yung kabobohan ng mga estudyante namin, na hindi naman daw talaga malalaman kung sino sa titser at estudyante yung tunay na bobo.

Kinagat ko yung ideya nya, yun nga lang hindi mga titser ang nakasama ko sa mga workshop sa bahay kundi mga estudyante ko rin sa high school. Na nung sinabi ko yung plano ay na-excite pang lahat na makapunta sa bahay namin.
Lalo pang gumanda yung naibigay na orientation samin kasi naisabit din nyang isama yung ilang mga manunulat na taga UP rin, si Joey Bacquiran (nag-lecture sa tula), Rommel Rodriguez (nagbasa ng panget na halimbawa ng kuwento) at Rene Villanueva (ginawa nya samin yung exercise ng extreme of consciousness).

Ikuwento ko rin kaya sa kanya ngayon na nung araw na yon sa San Pedro H.S. nung mag-CR sya sa CR ng mga estudyante sumunod ako para magpapirma ng autograph, ang kaso napamura ko at nagtaka kasi ang bilis-bilis naman nyang umihi. Di pa man ako nakakabuwelo para mang-istorbo pabalik na sya sa upuan nya.

Nung mga panahon na iyon sumusubok-subok na rin ako sa Liwayway, hindi nga lang makalusot kay Rodolfo Salandanan mga gawa ko.
Pagkatapos ng seminar pag-uwi na pag-uwi ko ng bahay daig ko pa ang naka-ecstacee kung magsulat. Yung sinusulatan kong diary nakakasampung page yata ako kada-araw. Hindi ko na maisip ngayon kung papano nakatulong iyon sa akin, basta inaaraw-araw ko lang ang pagsusulat ng kung ano-ano. Anything and everything, inaangguluhan para sulatin. Kung tama ang suspetsa ko, dahil sa ilang taon na pag-eexercise sa pagsulat sa diary dumulas ang paggamit ko sa salita. Nakapagmamaniobra na ako nang maayos sa pagkukuwento, yon ang una kong napansin.

Sinubukan kong magproyekto ng isang kuwento tungkol sa pagbebenta ng kung ano-anong mga tiket sa iskuwelahan. Ilang buwan yung nagdaan, after ten long years, naknamputsa nakatsamba na ko sa Liwayway lumabas na yung “Pangalawang Magulang” kahit black and white yung picture feeling ko ang gwapo-gwapo ng itsura ko. Si Reynaldo A. Duque na ang EIC no’n sa magasin.

Na-realize ko ulit hindi man sya aware, patuloy na lumalaki ang utang na loob ko sa kanya. Malapit ng umabot sa isang dekada ang bulong at impluwensya nya sa akin.

 

Hindi Ko Namalayan, Etsapuwera na pala Ako

Nang malipat ako sa BSU (Bulacan State University) kasama ng pag-usad kong iyon mula high school teaching patungong college nagdesisyon na akong sumubok na sa UP para mag-aral. Nabalitaan sa isang kaibigan na tumatanggap naman ng mga estudyante na hindi graduate doon. Pakukuhanin ng entry course bago tuluyang makapasok sa programang inaplayan.

Dalawang entry course sa MA ang kinuha ko bago pinayagang kumuha ng subject sa MP, PhD. Pakiramdam ko sa simula ang ganda ng take-off ko, sabi ko sa sarili mukhang kakayanin. Pero habang tumatagal bumibigat yung pakiramdam dahil nakikita ko na yung mga kakulangan sa oryentasyon ko. Habang tumatagal paikli nang paikli yung mga pinagbababanat ko sa klase. Nakaramdam ako na mukhang kailangan ko muna yatang basyuhin yung sarili ko at mamili ng mga oryentasyong puwede kong ipalit sa mga luma. Hindi iyon madaling gawin katumbas iyon ng pagtatapon ng mga bagay sa loob ng bahay mo na mahalagang-mahalaga sayo pero kailangan mong itapon kasi natuklasan mong bigla na hindi mo na pala iyon puwedeng pakinabangan. Kahit ganon lagi ko paring nakikita ang katwiran para maniwala at sumunod. Kaya ang conclusion ko don parang ganito: okey na parang hindi.

Ikalawang semester. May mga nagtsitsismis na sa amin bago pa man yung second sem na terror daw yung idol kong manunulat. Wala akong paki. Kung terror gusto kong maranasan. Kung babagsak o maiincomplete hindi na isyu sa akin iyon. Basta gusto kong ma-experience na maging titser ko sya. Ang subject Historical fiction. Unang meeting namin, wala, hindi dumating, na-frustrate talaga ako pauwi ng Bulacan. Biruin mo yon lakas ng ulan, alas syete pasok ko kinabukasan sa BSU lumuwas ako para magklase tapos pinanis kami kahihintay. Sumunod na meeting after one hour na paghihintay sa classroom nagdesisyon kaming magkaka-classmate na puntahan sya sa opisina nya. Nandon nga! Inabutan naming nag-eedit ng kalahating dangkal na manuscript yata iyon o tesis. Binanatan agad kami ng ganito: “Ba’t nyo ko hinanap, kaya nga ako nagtatago kasi ayokong magklase.” Hindi ko makuha kung joke yon o totoo.

Pagkatapos na matandaan yung page na ineedit hinarap na nya kami. Pinagtatanong na agad kami kung sino raw sa kababayan namin ang sa tingin namin ay puwedeng gawan ng kuwento. Nakakahiya wala akong masabi (hindi lang ako, pati yung iba naming classmate). Sya pa ang nagsabi sa akin nung pangalang Josefinang Baliuag, ang tanong ko nga kaagad, sino po yun? Patay talaga. Basang-basa na nya kaagad kung hanggang saan lang ako. Alam ko may ganon syang pagbasa na ginagawa sa amin, pero alam ko rin na habang ginagawa nya iyon, binabasa pa rin nya kami sa ibang anggulo na sa tingin nya ay may iuubra kami. Ang galing no’n. Sabi nung utol kong taga-PUP na nakaharap na rin sya marunong daw kasi yon ng Psychoanalysis.

Ang format ng klase namin workshop. Dala-dalawa ang magsasabay na estudyante para upuan ng klase ang mga sinulat namin. Sa ikatlong meeting pa ko masasalang. First time sakin yung attempt na gumawa ng historical fiction. Napurga ko kakaisip ng plano kung papano gagawin. Pag nahihirapan ako ang solusyon ko lagi binibitawan ko yung trabaho sa iskuwelahan. Kung kailangang umabsent, aabsent. May isang pagkakataon pa nga na may report ako kay Dr. Eugene Evasco (kakatapos lang ng Christmas vacation) hindi ko talaga natapos yung preparation, ang ginawa ko nag-sick-leave ako ng isang linggo.

Bago ko nabalangkas yung kuwento ko kinailangan kong umabsent ng dalawang araw para mag-research sa public library ng Baliuag. Nang makolekta ko na yung mga datos sa history na kailangan ko saka ako nagdesisyon sa mga tauhan na bubuuin ko. Ang pinakapundasyon ng kuwento ay ang istorya ng Baliuag kung bakit ito tinawag na Baliuag. Resulta raw ito ng obserbasyon ng mga pari sa Quingwa (Plaridel na ngayon) sa laging pagka-late sa misa ng mga taong nanggagaling sa Baliuag. Kaya tinawag daw nila ang mga ito ng mga maliliwag na tao. Kalaunan sa kakabigkas ng tao naging Baliuag. Inangguluhan ko yung talang iyon ng kasaysayan. Ano ang posibleng totoong dahilan bakit laging late sa misa ang mga taga-Baliuag?
Nilaro-laro ko yung posibilidad. Naisip ko halimbawa na baka naman hindi sila sincere sa pagdalo ng misa, napipilitan lang. Naisip ko rin na hindi kaya habang daan sinasamantala ng mga tao yung paglalakad sa gubat para makakuha ng pagkain para pag-uwi nila ng bahay marami-rami silang maiuuwi sa mga anak-anak na naghihintay. Naisip ko rin na puwede rin namang dahil sa layo at dami ng tribo-tribong daraanan (na hindi pa naiimpluwensyahan ng mga Kastila) hindi kaya napapaaway muna sila at nagkakatugisan muna bago sila makarating ng simbahan. Ganon ko pinaandar at inimagine ang takbo ng istorya. Sa tulong na rin ng mga karanasan kong personal at kuwento-kuwento ng mga matatanda sa amin nabuo ko na rin ang kuwento. Pero pinakamalaking tulong sa akin yung pagkakaalala ko kay Inda (lola ko). Yung istorya nya kung papano siya napadpad sa Baliuag mula sa Pampanga. Pinalakas ko yung image ng lahi na pinagmulan nya. Na ang bloodline nina Inda ang mga unang tao sa Baliuag. Nilagay ko rin yung detalye kung papano sya nagwawalis ng lupa, na pati yung mga mugmog mula sa lupa ay itinuturing niyang kalat na dapat walisin.

Nang matapos ko yung kuwento at first time na basahin ang draft pagkatapos maprint, biglang-bigla kong naramdaman ang pinakamalakas na impluwensya ng kuwento, hindi puwedeng ikaila, ETSAPUWERA, na nobela pa rin ng idol kong manunulat.

 

Promise, Hindi Ko na Talaga ito Inasahan

Pagkatapos na maupuan ang pyesa ko sa klase at magsisiuwian na kami, tinawag niya ako. Akala ko may katangahan akong ginawa. Naisip ko talaga no’n baka may comment pa syang nakalimutang sabihin kanina. O di kaya naman baka may pinakamalupit siyang kritisismo sa kuwento ko at gusto nyang ako na lang ang makarinig no’n dahil baka nakakawindang talaga. Wala sa inasahan ko ang sinabi nya. Ganito ang sabi nya sakin, umiinom ka ba? Sabi ko naman (nang mabilis na mabilis) opo, umiinom ako, idnugtong, tara inom tayo. Wow. OA talaga no, pero totoo lang kasi kaya ko sasabihin akala ko talaga imposible yon na makainuman ko sya. Maraming taon na inienjoy ko lang sya sa mga sinusulat nya, tapos eto ngayon niyayaya na nya kong uminom. Iba talaga yon. Bigla kong naramdaman kaagad ang sipa ng kasimplehan ng buhay at kung gaano ako katugok na mag-espekulasyon sa mga taong nakakaharap ko.

Sa inuman hinayang na hinayang talaga ako, kinakapos ang memorya ko para alalahanin ang lahat ng mga ikinukuwento nya. Walang nagbabago sa kanya, kung papano sya nagsasalita sa klase at kung papano nya ipinapakita ang sarili bilang kainuman parehong-pareho lang. Walang pagpapalit ng aura. Isa ang sigurado hindi mo sya puwedeng bolahin at hindi ka rin naman nya binobola.

Mula sa araw na iyon, nagkaroon ng extension ang klase ko sa kanya sa harap ng Red Horse Mucho. Sakto lang na inom ang lagi naming ginagawa, ang nagpapahaba sa harapan yung mahabang kuwentuhan. Madalas ako ang tagapakinig. Kapag may inihahain ako sa kanyang pananaw o opinyon madalas kesa hindi nasusukol ako sa pangangatwiran.

Naishare ko minsan sa kanya na plano naming mag-ampong mag-asawa. Wala sa loob na nagbiro ako sa kanya sabi ko baka po may kilala kayo na gustong magpaampon puwede sa akin na lang. Diretso yung sagot nya sakin, alam mo mali yung pananaw mo sa pag-aampon, pag mag-aampon ka, ang ampunin mo yung hindi iba sayo, yung mahal mo. Hindi naman parang bagay yan o gamit na kaya mo kukunin gusto mo ng libangan. Yaiks! Bigla akong nahiya sa bulok kong isip. Oo nga na naman ang sagot ko ro’n.

Wala talaga sa kamalayan ko ang magsulat o maging manunulat kung ang pag-uusapan at babalikan ay yung natural kong hilig. Una kasi talaga, gusto kong maging pulis, inawat lang ako ng Tatay kasi sayang naman daw kung magpupulis lang ako (hindi ko na sya naurirat kung bakit ako magiging sayang). Tapos nung nasa college gusto ko namang maging basketball player, kaya lang pisikal na problema ang nakapigil sakin kaya hindi rin natuloy, dalawang operasyon ang inabot ko, varicouselectomy at hydroselectomy-parehong uri ng luslos, bukod pa ro’n humina na rin ang baga ko dahil sa plema.

Sa panahon ng pagkawala sa sarili at pagkalito sa gustong gawin sa buhay tyempo ang pagdating ng impluwensya niya sa akin. Sa loob ng mahabang panahon ang mga kuwento nya ang gumiya at gumabay sa akin sa kung saan ako puwedeng umubra at mapakinabangan.

Isa pang harapan sa inuman ang lalong nakapagpatanga sa akin, nangyari iyon ng minsang maimbitihan ako sa bahay niya sa Bulacan. Lahat ng tao na humaharap sa amin nandon lagi ang respeto at paggalang sa kanya pero hindi naiilang na magsalita. Hindi ko na masyadong maalala kung bakit bigla niyang nasabi sa akin iyon, siguro bangag na rin ako sa kakainom ng beer. Sabi nya ganito, alam mo madali lang maging writer, ang mahirap maging tao.

Pauwi ng bahay namin galing sa Hagonoy nagflashback lahat ng nangyari sa buhay ko simula pa nung unang magkamalay ako.

 

Tungkol sa awtor: sa kasalukuyan avid fan sya ng Cleveland Cavaliers, partikular sa player na si Lebron James, ang gustong-gusto raw nya sa player na ito ay ang kakayahang iinvolve ang teammates sa gameplan. Ayon pa sa kanya magpapafiesta sya at magpapainom pag nagchampion this year ang CAVS sa 2009-2010 NBA season. 

17 Responses to “creative non-fiction”

  1. aus 2 tol, magkakandatae na naman sa inis ang mga tinamaan. ha ha ha

  2. aha ha ha ha ha. wa ha ha ha ha. cavs fan din aq pare he he he.lets go cavs.he he he

  3. pwede pa rin sir, sama ka smn basketbol tyu. pro oks n rn n ngng ticher k rn. d b sir.

  4. sir…
    kinilabutan ako…parang nakasama ako sa inuman nyo…
    napatagay din yata ako..hehe…
    aprub! taas kamao…
    salamat sa mga k2lad nito…
    muli kaming nabubuhay…
    magaan pero mabigat…

  5. hindi ako nagkamaling idolin kita sir sa pagsulat.
    my patak ba ng luha ang papel?
    sir, pareho yata tau ng past. hindi nga lang sa pagbubuno ng kaklase.
    isa ito sa mga magaganda mong sulat, kahit ilan pa lang talaga ang nababasa ko sa mga akda mo.
    pugay kamay po ako sayo..

  6. iba ito, ibang iba ito, mabigat na ewan, pero ang mahirap na hindi pansinin ang sinasabi. ang galing ng epekto.

  7. kinilabutan aq..
    ewn qng njejebz lng aq..
    ahahahahaha!

    sir very nice..
    im so proud n close tyo..
    nhahawa n kyo ng galing sken..
    ahahahahahahahahaha!
    joke lng un..

    galing! galing!
    **salute**

  8. astig…
    sana makainuman ko rin siya.
    o kaya maglayas ulit ako, at baka sa susunod na layas ko ay makikita ko na rin ang reyalidad na nakita nyo sir..

    PS..
    naniniwala po rin ba yung Jesus Arceo na may born-rapist, may born-killer, na may born-akyatbahay etc…? curious lang po. hehehe.

  9. hahahaha..
    ayos..
    nabasa ko rin sa wakas..
    hmmm…
    inuman tayo sir..
    kaya lang di ako fan ng anu nga let yun team nyo sa NBA?
    hahaha
    astig!!!!!

  10. e kung tsampalin k yta ntn sir mga nang-aapi syu. ou cir sma z jn.

  11. heheh..sabi n sir eh kaw un…hahahah bangis…

  12. wala talagang kupas ang propesor ko dati..sir galing nyo tlaga..ingat po palagi ganda ng creative non fiction nyo..

  13. taguyod…
    ganda po ng hagod ng bawat ideya!
    nakakatulong para sa mga tulad kong nawawala
    sa landas ng pagsusulat!

    ^.^

    implwensyahan niyo pa po ako!
    haha!
    kulang na naman ako eh!
    galing!


Leave a Reply